Halikayo mga mahal Ko pahalagahan ang buhay na pautang, mga pahiram na sa inyo ay idinatal at ibinahagi upang gamitin at tamuhin sa bawat araw. Na kung paano nga pinasisibol ang mga damo upang may makain ng mga kalabaw, mga kambing, mga usa, kabayo man at lahat ng nanginginain na damo ang kailangan, dalhin lamang sa parang ay may kakainin na, may ngangatain at may magdudulot ng kabusugan… ikaw pa kaya tao na pinahigit at pinahalagahan kaninuman ang hindi alayan, busugin at tanglawan? Kaya halina kayo mga anak ng AMA, mataman ninyong suriin ang tinuturan Ko, mataman ninyong limiin at ng matanto ninyo, ano Ako sa inyo, sino Ako sa inyo. Tamang katauhan ang nasisilayan sa inyong mga mata subalit may sintido kumon kayo, may kaisipan… kayo rin mismo matatanto ninyo kung pumasok o sumagi baga ito sa inyong mga kaisipan? Maliban ngayong napakinggan ninyo at malilimi ninyo ang katotohanan, saan ba nagmula, sino ba ang nagbigay, paano nabigkas ng katauhan upang inyong pakasuriin at namnamin kung kailangan.
Halina kayo mga mahal kong nanghihina, may kalasag kayo, may sandata, may tuwirang kalakasang maibabahagi kaninuman. Halikayo mga nadirimlan, pakasuriin ninyo ang liwanag na dulot Ko upang sa balumbong na kadiliman ay mahawi at mangibabaw ang liwanag. Halikayo mga nangangailangan ng gamutin, kayo’y magtibay, manalig, maging tapat at makatotohanan. Anong sakit ang hindi kayang gamutin, ito ay lumabas at nakamtan lamang ng katauhan ninyong buhay na siyang tinataglay. Halikayo mga nagugutom na kaluluwa, kayo’y manginain sa Aking hain upang Ako’y makilala niyo, mabusog kayo at masiyahan. Halikayo nangangailangan ng pag-ibig, huwag kayong mabagot at huwag kayong malumbay, Ako’y tapat kung magmahal, walang kupas, walang maliw kailanpaman. Halikayong mga naligaw at kayo’y AKing itutuwid sa daan at kung susundin ninyo ang tinatahak Kong sa inyo’y matuwid ay tuwiran ninyong makakamtan ang kaluwalhatian. Halikayong mga patay sa pananampalataya at pananalig, handa Kong buhayin at kayo man ay handang mabuhay sapagkat mahal ninyo ang inyong katauhan na kung paano ninyo ito minamahal higit Ako, sapagkat kayo’y mula sa Akin. Iyan mga mahal Ko ang paanyaya ng AMA sa inyo na kung magtatanong kayo kung sino Ako sa inyo, pinag-aralan baga ito ng tao na inihandog Ko sa inyo na inalay Kong totoo o Ako mismo bilang Espiritu na hindi ninyo nakikita na naghahandog nito at naghain upang kayo’y makikain sa piging Ko na kung kayong lahat at titikim at masisiyahan at inyong pahahalagahan ay walang gugutumin kailanpaman.
Halikayo mga nauuhaw, kayo’y handa Kong palagukin upang maparam ang inyong pagka-uhaw kapag nilagok niyo ang tubig na dulot Ko kailanman ay hindi na kayo mauuhaw pa, sapagkat bukal ng tubig na alay ng AMA tunay na malinis at kasiya-siya, walang maliw kailanpaman, walang katigangan, sumisibol, umaapaw, hindi kayo mauubusan kung kaya’t ang sinumang tumikim at lumagok ay napawi ang uhaw, napaknit ang lumbay, nasiyahang tuwiran, nagliwanag ang buhay. O Aking mga mahal, tantuin ang tinuran doon sa Aking sa inyo’y patuloy na inaalay na kung papapano’y katauhan ay iniluwal, wala kayong kamalayan sa Aking pagdatal. Mahal na mahal Ko kayo! Tuwiran Kong tinuturan, mahal na mahal Ko kayo!
Hinahamon Ko kayo mga matatalinong naririto, suriin ninyo ang mga binigkas Ko sa inyo. Saang dako ito hinugot sa utak ni Constancia at paano niya natandaan kung ito’y kanyang minemorya? Alalaong-baga, walang dilit ibang nag-alay sa inyo, Akong hindi ninyo nakikita sapagkat kayo’y sumasa-AMA at sumasa-Akin sapagkat sinumang tumanggap ng totoo ang katotohanan ang magpapalaya sa kanya at kaninuman. Tao, mahal Ko kayo! Tuwiran Kong tinuturan, mahal na mahal Ko kayo! Ang may pandinig ay nakarinig. Katapang naman nitong si Constancia kung lakas-loob niyang sasambitin ganang siya ang mga niluwal Ko at idinatal sa inyo at kung siya man ay matalino, paano niya pinag-aralan ang mga salita Ko? Ito kaya’y makakaya niyang tandaan? Tao, walang ibang magluluwal nito kundi ang Aking Espiritu sapagkat walang magpapakatotoo sa hindi niya nakita at walang magbibigay sa wala pa sa kanya. Tao, mahal Ko kayo! Tuwiran Kong tinuturan na kaya’t nasasambit Ko ang lahat ng ito, ito’y patotoong nasilayan Ko sa tao kaya’t naibahagi Ko ganang sa Akin ito na ibinahagi rin naman ng AMA Ko sa inyo sapagkat ang sa AKin ay sa inyo at ang sa KANYANG sa AKin ay sa lahat ng anak NIYANG sa KANYA’y tuwiran na naghanap at nakasumpong na ganap. Mahal na mahal Ko kayo! Tuwiran Kong tinuturan, mahal na mahal Ko kayo!